Malamang ay nagising ako dahil sa lamig ng panahon nang gabing iyon. Disyembre at Kapaskuhan, may mga nagsasalita at nag-uusap sa mga kapitbahay at mula rin sa kalayuan subalit nakatulog sana akong muli nang makapa at mahagilap ko ang aking kumot at maibalot ang buong katawan. Nakapikit sa ilalim ng kumot ay napilitan din akong bumangon dahil sa nalanghap kong amoy ng nalulutong suman sa kalan.
Matapos makusot ang aking mga mata ay dahan-dahan akong patungo sa hagdan namin na gawa sa kawayan, maingat na pumanaog sa malalaking pagitan ng mga baytang na kahit maliit na paslit pa lamang ay akin nang natutuhang umakyat at manaog. Madilim ang paligid ngunit naaninag ko ang liwanag mula sa apoy sa likod-bahay kung saan nagluluto ng suman si Inay. Isang balde na dating lalagyan ng kerosene ang ngayon ay puno ng pinakukuluang suman. Hindi nga naman maaaring lutuin ang maraming suman sa kalan sa loob ng bahay.
Natuwa si Inay na ako ay gising na at payakap niya akong sinalubong, si Bana naman na aming kalabaw ay halos naramdaman din ang aking pagdating ngunit sumilyap lamang at patuloy na natulog sa kanyang kinahihigaang palibot ng dayami. Nang sinabi na ni Inay na lutong-luto na ang suman ay agad kong naramdaman ang gutom.
Kinailangang iakyat sa bahay ang mga suman at naroon na rin ang mainit na tsaa sa palayok, sa tungko ng aming kalan. Ang kapatid kong si Betty ay mahimbing ang tulog at hinayaan namin sa kanyang banig na higaan.
Hindi katagalan ay may nag-ingay na sa aming harapan. BANG! BANG! BANG! KLANG! KLANG! KLANG! at iba pang mga tunog at ingay na napansin kong galing sa mga binutas na kawayan.
MABUHAY ANG SUMAN SA KALAN! HARINAWA AY SI NOLI AY MAGING PRINSIPE! MABUHAY ANG SUMAN SA KALAN! HARINAWA AY SI BETTY AY MAGING PRINSESA! MABUHAY! Sinundan ng palakpakan.
Si Inay naman ay hindi nag-atubiling bumaba sa hagdan hawak ang isang taling suman at sa tabi ng tarangkahan ay iniabot ito sa mga nananapatan. Kami ni Betty naman ay nakaupo sa may hagdanan nanonood.
Sila ang mga mananapat na nakagawiang lumibot sa nga karsada ng nayon ng Quisao sa gabi ng bisperas ng Pasko. Ilang taon din sa aking ala-ala ang kaganapang ito na naglaho na at napalitan ng sa ngayon ay tinaguriang Christmas Caroling.
what a beautiful childhood experience. 👍 you brought me back to how simple life is back then!
Nice usage of “ng” and “nang.”