PIKNIK SA BATUHAN
Maraming organisasyon o samahan sa nayon ng Quisao at karamihan dito ay nabubuo ng mga magkababata na sabay-sabay ring nag-aaral at nagtatapos ng elementarya sa paaralan sa nayon. Ang Nanay at Tatay ko ay kasama sa barkada ng Joy Seekers Club at lumaki ako sa masasaya nilang pagtitipon na puno ng kasayahan at kainan.
Ganoon din ang karanasan ng aking mga kababata, kalaro at ka-klase kaya natural sa kabataan na sumunod sa nakaugaliang ito lalo na`t kami rin ay nagkikita-kita, nagkukumustahan at naglulutuan. Naaalala ko, isang tag-araw na bakasyon na sa paaralan, ang aming piknik sa Batuhan sa may libis ng Yacat na halos katapat ng isang maliit na pulo na noon ay kilalang Roxas Island. Maaga pa ay naglakad kaming bitbit ang lahat na kailangan - bigas, tubig, prutas, kaldero at pinggan at iba pang bagay kasama na ang mga dalag na aming napandaw bago sumikat ang araw. Ang panggatong naman ay doon sa lugar na namin sinamsam mula sa mga pagitan ng naglalakihang bato. Masaya kaming nagluto, kumain ay naligo sa Lawa ng Laguna at marami sa amin ang lumangoy patungo at pabalik sa pulo o isla.
IHIP NG PANAHON
May kaibahan ang aming kapanahunan kung ihahantulad sa aming mga magulang noon. Mayroon na kaming transistor radyo na may baterya at halos gabi-gabi kaming kalalakihan na nagtitipon sa Glorieta na nasa harap ng rebulto ni Rizal sa plaza upang makinig ng mga uso at nagbibigay-siglang musika. Dito kami nagkatanungan kung ano ba ang magandang pangalan ng barkada, sunod-sunod ang mga mungkahi mula sa isa`t-isa hanggang may bumanggit ng Pathfinders na nakita raw niya sa isang libro na dala-dala ng isang guro sa paaralan. Hayon nga at Pathfinders na kami! Mga music lovers.
Naging mabilis na ang takbo ng panahon lalo na nang pumutok ang I Saw Her Standing There ng The Beatles. Buhay ng sigla ang aming kilos, pananamit at hitsura ng buhok. Nahinto na ang paggamit ng pamada para plantsahin at supilin ang aming buhok na puno ng alikabok mula sa kapaligiran. Hindi kalaunan ay nag-aaral o nagtatrabaho na kami sa Kamaynilaan. Nagtatagpo kami sa Echague, malapit sa tulay at halos nasa harapan ng Feati University. Naging tambayan namin ang Echague at mula rito ay tumatambay rin sa Farmers Cubao at university belt sa Maynila subalit mas malimit kami sa Mehan Garden at Luneta. Nag-aaral na rin ako noon sa PLM na pangalawang taon pa lamang nagsimula.
Peace Love and Music! Marami kaming naging kaibigan na nabubuhay sa kilos at diwa ng panahon- mga hippies na bihirang-bihira pa rin sa Maynila. Ginasgas na pantalon at sapatos, long hair, flowers and beads. Peace Men! ang bati namin sa isa`t-isa. Nabuo rin ang HAIRS FAMILY at higit na lumaki ang pamilya namin.
Palagi rin naman kaming umuuwi sa Quisao at tuwina ay pansinin ng mga matatanda na nahihirapan kaming tingnan. Mababait naman kami at masiyahin at mapoporma pa lalo sa mga chicks. Umakyat kami minsan sa tuktok ng kabundukan upang manguha ng niyog at makapag-ipon ng pambayad sa mga Levis at Wrangler na ipinatatahi sa Sampaloc sa Maynila o kaya ay paliitin ang original na mga pantalon galing sa Clark at Subic. Kami naman sa Pathfinders ay pawang sanay sa mahihirap na gawain sa bukid, bundok, parang at sa dagat. Kinagigiliwan kami ng kabataan sa nayon at masaya namin silang nakakausap. Dala namin ang mga istilo at makabagong anyo ng pananamit at mga patok na musika mula sa mga sikat na rock bands at pop music artists at ang mapagmahal, makipagkaibigang pakikitungo ng mga nabantagan noong hippies. Kami lamang sa nayon ang mga hippies at hindi naman nakapagtataka dahil sa maynila, bukod sa Hairs Family ay isang grupo lamang ang kilala namin - ang White Men.
DISCO
Napagkasunduan namin sa Pathfinders na magsagawa at ipakilala sa lahat ang Disco na sa Maynila ay ginaganap sa malalaking bahay ng mas nakaririwasang kaibigan sa Hairs Family. Minsan ay dalawang stereo sets at turntables ang ginagamit para non-stop ang music.
Ang sayawan sa Quisao noon ay ginaganap sa bisperas ng kasalan at doon mismo sa looban o bakuran ng bahay ng babaeng ikakasal, o kaya ay sa karsada mismo na tapat ng bahay, kaya sarado ito para sa mga sasakyan. Sa Kapaskuhan at Bagong Taon, ginaganap ito sa plaza o basket ball court. Walang kuryente på noon kaya nagre-renta ng sound system at generator para na rin sa mga ilaw. Kapag siksikan na at sumobra ang bilang ng kalalakihan ay hinahati sila batay sa kasuotan. May tanda para sa malambot o matigas na pantalon.
Natutuwa at handang tumulong ang kabataan sa balak ng Pathfinders na maganap ang unang Disco sa Quisao at napili namin ang basketball court na bukod sa lawak nito ay marami nang nakahigang puno ng niyog sa isang tabi nito. Dito mauupo ang naggagandahang kababaihan o chicks na susunduin at ihahatid ng dyip sa mga karatig na bayan. Sama-sama namang dadalo at uuwi ang mga taga nayon. Napili namin ang isang banda na taga Morong o Teresa dahil mahusay raw itong tumutugtog ng Santana at nagkasundo na rin sa pagrenta ng sound system at generator.
Tuloy na ang Disco! Nalinis at naayos na ang basket ball court sa harap ng simbahan. Nagdidilim na rin kaya isinasabit na ang mga ilaw. Parating na ang banda at malapit nang sunduin ang mga taga Niogan at Malaya. Nang biglang dumating ang buhos ng ulan! Nagtakbuhan kami para sumilong at ang ilan sa amin ay naipon doon sa tindahan ng lelang Bensiyang na di kalayuan.Nagkatinginan na lamang at nasa labi namin ang maasim na ngiti ng panghihinayang. Mahigit kalahating oras ang bugso ng ulan na himalang tumigil ng husto at ni ambon ay walang patak mula sa kalangitan.
Muli, tuloy na ang Disco! Nakailang buntunghininga ako ng pasasalamat na nawala ang bigat na aming pinapasan dahil sa pagbuhos ng ulan. Ako pa mandin ang pangulo ng Pathfinders noon kaya mas maraming nagtanong sa akin, katanungan na hindi na namin kailangang sagutin pa dahil tumila na ang ulan, nawalis na ang naipong tubig, nalinis na ang mga upuan, nagsindi na ang mga ilaw at marami na ang bumibili ng entrance tickets na tanging pagkukunan ng bayad sa sound system, banda at mga dyip.
Naghari na ang sigla at kasayahan sa paligid na puno ng pag-asa sa hinihintay na disco. May isang problema rin nang ang isang ama ay nagreklamo sa sobrang dilim at hindi na raw maaninag ang mga sumasayaw. Pauuwiin na raw niya ang anak na dalaga kung hindi dadagdagan ang ilaw. Tumugon naman kami sa kanyang kahilingan. Naghari na ang musika ni Santana sa buong gabi at pati manonood ay hindi na naiwasang umindak sa Black Magic Woman at Oye Como Va.
Laking saya at pasasalamat sa lahat na naging bahagi ng gabing iyon at naghiwalay kami na may tuwa at galak sa aming mga puso at ala-ala. Naiwan kami sa lugar nang pasikat na ang araw at nalaman naming may natira pang pambili ng puto at tsaa na aming pinagsalu-saluhan habang tuloy ang kwentuhan sa naganap na disco sa Quisao.
SA NGAYON
Mayamang karanasan at gintong ala-ala mula sa aming kamusmusan tungo sa mapusok, makulay at masiglang kabataan na nagpatatag sa aming sarili at sa aming samahan sa Pathfinders. Malungkot din naming dinaramdam sa aming ala-ala ang mga sumakabilangbuhay nang mga kaibigan; Pareng Nestor, Emil, Gie, Gerry at Benjie. Salamat at naging bahagi kayo ng aming buhay! #
Magagandang alaala.
Santana at chicks, ha ha.